SIRONGgunita Kasaysaya’y Buhayin, Alaala’y Panatilihin

Kuha ni: https://www.facebook.com/bardugs/photos/sirong-festival-photo-contest-peoples-choice-award-entry-no2/599339965700851/
Sinulat ni: ABM

May mga kuwentong hindi kailangang isulat sa papel upang manatiling buhay—ang ilan ay isinusuot sa makukulay na kasuotan, isinasabay sa kumpas ng tambol, at ipinapasa sa bawat hakbang ng sayaw.

Kapag sumapit ang Sirong Festival sa Cantilan, tila nag-iiba ang tibok ng bayan. Sa bawat indayog, sigawan, at kumpas ng mga mananayaw, muling humihinga ang isang bahagi ng nakaraan na matagal nang nakaukit sa alaala ng mga Cantilangnon.

Nag-ugat ang Sirong sa isang relihiyosong pagtatanghal at naging mahalagang bahagi ng pagdiriwang ng pista ng Cantilan, kung saan inilalarawan ang mga salaysay ng katapangan at pagtatanggol ng mga sinaunang Cantilangnon. Higit sa isang pagtatanghal, pinagsasama nito ang sayaw, musika, kasuotan, at kuwento upang gawing buhay na entablado ang mismong bayan.

Sa isang pahayag mula sa isang nakatatandang Cantilangnon, sinabi, “Dili lang ni sayaw para namo, istorya ni sa atong mga katigulangan. Kung ipadayon nato ang Sirong, ipadayon pud nato ang kultura ug pagkatawo sa mga Cantilangnon.” Sa simpleng mga salitang ito, makikita kung paanong ang isang festival ay maaaring maging tulay mula sa nakaraan patungo sa kabataang siyang magdadala ng kultura sa hinaharap.

Kapag humina ang tambol at bumaba ang mga mananayaw mula sa entablado, maaaring matapos ang pagtatanghal, ngunit hindi dapat matapos ang kuwento. Sapagkat ang Sirong ay hindi lamang pagsasayaw ng kasaysayan—ito ang sama-samang hakbang ng isang bayan upang hindi kailanman malimot kung sino sila.