Bawat Galaw, May Tanaw; Bawat Laban, May Panalo
kuha ni: TVL
Sinulat ni: GAS
Sa murang edad, natutunan na ni Ernie Bryan Espinoza, isang Grade 7 student, na ang bawat galaw sa chessboard ay may katumbas na desisyon.
Sa kanyang pagharap sa mas nakatatandang manlalaro mula Grade 12 HUMSS, hindi edad ang kanyang ipinanglaban kundi ang husay, tiyaga, at estratehiyang matagal na niyang hinahasa, kaya sa huli, siya ang nagwagi—isang panalong naghatid sa kanya ng saya at dagdag na kumpiyansa.
Hindi basta swerte ang naging puhunan ni Ernie Bryan sa laban, Isa sa kanyang ginagamit na sandata ang midgame strategy analysis, kung saan maingat niyang sinusuri ang posisyon ng bawat piyesa at iniisip ang mga posibleng galaw ng kalaban. Sa halip na basta sumugod, pinag-aaralan muna niya kung kailan dapat umatake, dumepensa, o magpalit ng piyesa.
Sa likod ng kanyang performance ay ang isang simpleng gawain na paulit-ulit niyang ginagawa—pagsasanay gabi-gabi online, kahit tapos na ang klase at oras na sana para magpahinga, patuloy pa rin niyang hinahasa ang kanyang laro sa pamamagitan ng online matches at analysis.
Ngunit hindi ngayon lamang nagsimula ang kanyang kuwento sa chess. Grade 3 pa lamang siya nang magsimulang maglaro, kaya unti-unting naging bahagi ng kanyang buhay ang chess. Ang mga taon ng paglalaro ay nagdala rin sa kanya sa mas malalaking kompetisyon, kabilang ang pagiging regional qualifier noong 2025 at paglahok sa 2025 Marihatag Open Swiss Tournament.
Kaya nang makuha niya ang panalo, higit pa ito sa isang puntos sa scoreboard. Bunga ito ng mga gabing nagsasanay, mga larong natalo at natutunan, at mga taong ginugol sa pag-aaral ng chess.
Sa bawat piyesang kanyang igalaw, dala niya ang isang aral: hindi kailangang maging matanda para maging mahusay—kailangan lamang maging handang matuto, magsanay, at mag-isip nang ilang hakbang lampas sa kalaban.